Maaari nang makapagbakasyon ng isang buwan ang mga guro sa pampublikong paaralan matapos aprubahan ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara na gawing 30 araw ang Vacation Service Credits ng mga guro mula sa dating 15 araw.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 13, papayagan na rin ang mga guro na mag-avail ng offset ng kanilang absences bunsod ng kanilang pagkakasakit o sa personal na kadahilanan.
Sinabi pa ni Angara na dahil sa dinobleng vacation credits, maiiwasan na rin ng mga guro ang makaltasan ng suweldo dahil sa pagliban sa trabaho.
Pasok sa bagong panuntunan ang mga guro na may isang taon nang nagtuturo habang 45 araw naman ang Vacation Service Credits ang ibibigay sa mga bagong guro na nagsimula, apat na buwan buhat nang magsimula ang klase. | ulat ni Jaymark Dagala