Pinuri ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Senador Cynthia Villar ang paglagda sa batas na magpapataw ng matinding parusa laban sa mga smuggler, profiteers, hoarders, at kartel ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan.
Kahapon, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Iginiit ni Villar na sa tulong ng batas na ito ay magkakaroon na tayo ng watchdog sa agricultural sector.
Matitiyak aniya nitong sinuman ang magmamanipula ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura ay mapapanagot sa batas.
Ayon sa senador, kailangan ng matinding parusa para mapigilan ang smuggling at mapang-abusong market practices na nagbabanta sa kapakanan ng mga agricultural producers at kapakanan ng mga consumer at ng ekonomiya sa kabuuan.
Sa ilalim ng batas, ipapataw ang parusang habambuhay na pagkakakulong sa sinumang tao na gagawa ng agricultural smuggling, agricultural hoarding, agricultural profiteering, at pakikisangkot sa cartel.
Papatawan rin ito ng multang tatlong beses ng halaga ng mga produktong agrikultural at palaisdaan na subject ng krimen.
Sa bisa rin ng batas na ito ay bubuuin ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Council, Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Group, at ang special team ng prosecutors na siyang aaksyon sa mga krimen sa ilalim ng batas na ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion