Binigyang babala ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko tungkol sa isang catphishing syndicate na nambibiktima ng mga Pilipino at nag-aalok ng iligal na trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado, tatlong biktima ang naharang ng kanilang hanay sa NAIA Terminal 3 noong Septemeber 21. Nagkunwari umano ang mga itong turista papuntang Thailand ngunit napag-alamang peke ang kanilang return tickets. Sa masusing pagsisiyasat, inamin ng mga biktima na ni-recruit sila sa Facebook para magtrabaho sa Cambodia bilang customer service representatives kapalit ng mataas na sahod.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na pinipilit ng sindikato ang mga biktima na maging bahagi ng online scams na nambibiktima ng mga banyaga sa dating sites.
Nanawagan naman ang BI sa publiko na mag-ingat sa ganitong mga uri ng sindikato.
Na-turn over na ang tatlong biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasagawa ng legal na aksyon laban sa kanilang recruiter. | ulat ni EJ Lazaro