Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagkakaaresto ng isang big-time child trafficker na nambiktima ng daan-daang batang Pilipino.
Ayon sa kalihim, naaresto kamakailan ang suspek na kinilalang si Teddy Jay Mojeca Mejia sa United Arab Emirates (UAE).
Sangkot ito sa pagbebenta ng child sexual abuse at exploitation materials kung saan lumalabas na nasa 111 kabuuang bilang na ang kanyang nabiktima.
Nabatid na umalis si Mejia patungong Dubai noong 2021 at hindi pa umuuwi ng Pilipinas.
Sa pakikipag-ugnayan naman sa pamahalaan ng naturang bansa, ang child trafficker na ito ay ibabalik na sa Pilipinas ngayong araw.
Itinuturing naman ng kalihim ang pagkakaaresto kay Mejia na isang malaking hakbang sa laban ng gobyerno kontra human trafficking.
“Para sa mga walang-pusong nang-aabuso ng menor de edad na kabataan, malinaw ang mensahe: wala kayong ligtas na taguan; kahit saan man kayo pumunta tiyak na haharap kayo sa batas upang manaig ang hustisya,” ani Sec. Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa