Lumobo pa ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na ulang dala ng bagyong Enteng at habagat, ayon yan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pinakahuling tala ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of September 6, ay umakyat na sa higit 632,000 pamilya o katumbas ng 2.4 milyong indibidwal ang apektado ng bagyo sa 10 rehiyon sa bansa.
Aabot naman sa 9,433 na pamilya o 35,399 indibidwal ang nananatili pa rin sa evacuation centers.
Kaugnay nito, nadagdagan na rin ang naipahatid na tulong ng DSWD sa mga apektadong LGU kabilang ang pamamahagi ng family food packs.
Katunayan, mayroon nang higit sa ₱146-million humanitarian assistance ang naipamahagi ng ahensya.
Bukod dito, nananatili ring nakahanda ang nasa ₱2.6-bilyong halaga ng stockpiles at standby funds para sa mga apektado ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa