Nahigitan ng Commission on Elections (COMELEC) ang target nitong bilang ng mga nagpatalang botante para sa 2025 midterm election.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco, na nasa tatlong milyon lamang ang itinakdang target ng komisyon.
Ngunit base sa pinakahuling datos ng COMELEC noong nakaraang linggo, nakapag tala na ang pamahalaan ng 6.9 million na iba’t ibang klase ng application.
Ang nadagdag na bagong registrants ay nasa 3.4 million.
Sa nasabing bilang humigit kumulang tatlong milyon ang bagong botante, habang nasa 400, 000 naman ang nagpa-reactivate ng kanilang voting status.
Inaasahan naman ng COMELEC na madadagdagan pa ang bilang na ito dahil hindi pa kasama sa pigurang ito ang mga nakapagpatala noong Sabado at ngayong araw (September 30).
“Lumampas po, sa target dahil ang inaasahan nga po namin, more or less, tatlong milyong applications, ngunit umabot sa 6.9. At iyong tatlong milyong applications po ay nadagdag lamang iyan ng mga bago at reactivated. Kaya po kami ay natutuwa at napakarami pong mga kababayan natin ang nagparehistro.” —Laudiangco. | ulat ni Racquel Bayan