Nakalusot na sa plenary deliberation ang panukalang pondo ng Office of the Vice President para sa taong 2025.
Inisponsoran pa rin ni House Appropriations Committee Vice Chair Zia Alonto Adiong ang OVP budget kahit hindi dumating ang bise presidente o sinumang authorized representative nito.
Aminado si Adiong na nakakahinga na siya ng maluwag ngayong tapos na sa plenaryo ang budget ng OVP.
Gayunman, tutol naman si Adiong sa planong tapyasan pa ang pondo ng tanggapan ng pangalawang pangulo.
Sa manipestasyon kasi ACT Teachers party-list Rep. France Castro gusto niyang ibaba pa sa P529.5 millon.
Ani Adiong hindi na siya papayag na mas bumaba pa sa P733 million ang pondo ng OVP bilang konsiderasyon sa epekto ng inflation.
Matatandaan na sa pinagtibay na panukalang pondo ng House Appropriations Committee para sa OVP, mula sa dating P2.026 billion ay ibinaba ito sa P733.198 million.
Ang ibinawas na halaga mula sa budget ng OVP ay inilagay sa MAIFIP ng DOH at AICS ng DSWD.
“I’ve said this in my previous interviews, I will not settle any lower amount. Okay na ang P700M pesos.
Kasi kine-consider natin ang inflationary basis. Magkaiba kasi ngayon dahil may P30M because we presume may inflation, mataas ang mga gastusin. So I’ve said that P30M of that is actually the inflationary consideration so we would include that in the recommended amount which is P733M,” sabi ni Adiong.
Ikinalungkot naman ni Adiong ang naging pahayag ng bise presidente na dadalo siya sa pagidnig ng Senado sa panukalang pondo ng OVP gayong hindi siya nagpakita sa Kamara.
Ani Adiong, hindi dapat selective o pinipili ang lugar sa kung saan haharap lalo na at co-equal lang naman ang mataas at mababang kapulungan.
“Hindi po pwedeng selective ka lang dun. If you agree on the premise that they have the right and they have the mandate, you cannot simply disregard the other one…If you would ask me personally, I would say she’s really selective and that does not speak highly of an official especially the one that is occupying the second highest position in the land,” diin ni Adiong.| ulat ni Kathleen Forbes