Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na nakalabas na ng ospital si Cassandra Ong.
Sa kaniyang mensahe, ibinahagi nito ang update mula kay HRep Medical Director Dr.Louie Bautista kung saan nitong Martes, September 10 nakalabas si Ong ng ospital at agad ding ibinalik sa detention facility ng Kamara.
“Ms.Ong was discharged from the hospital yesterday afternoon, September 10,2024 and safely brought back immediately to the House of Representatives to be under our custody to serve out the rest of her contempt sentence at the HRep detention facility,” saad sa mensahe ni Velasco sa Radyo Pilipinas.
Matatandaan na noong nakaraang pag-dinig ng Quad Committee noong September 4, bumaba ang blood sugar at blood pressure ni Ong dahilan para siya ay isugod sa ospital.
Nasa mabuti na naman nang kalagayan si Ong at naisagawa na rin ang mga kinakailangang diagnostic procedure upang malaman ang kaniyang kondisyon.
Dahil naman dito, mas handa na aniya ang medical personnel ng Kamara para tugunan sakaling magkaroon siya muli ng medical emergency.
“The HRep is happy to report that she has recovered with the treatment she received from the hospital and with all the diagnostic procedures she had, our in-house medical personnel can be fully prepared to handle any other medical condition she might have as she continues to appear in the QuadCom hearings.” Sabi pa sa mensahe ng House Sec.Gen.
Si Ong ay isa sa mga incorporator ng Whirlwind Corporation at representative ng Lucky South 99 na pawang mga iligal na POGO na naipasara na at kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara.| ulat ni Kathleen Forbes