Kumita ng halos P2 milyon ang walong Cebu-based exhibitors na lumahok sa isinagawang 2024 DTI Bagong Pilipinas National Trade Fair na isinagawa sa malaking mall sa Mandaluyong City kamakailan.
Ang walong exhibitors ay kumita nga P1.8 milyon kung saan mas taas ito ng 16.9 percent sa kinita noong nakaraang taon.
Ang mga exhibitors ay kinabibilangan ng mga Micro Small and Medium Enterprises (MSME) na sinuportahan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa ilalim ng programang One Town, One Product (OTOP).
Ang nasabing mga negosyo ay nagpakita ng mayamang kultura ng rehiyon at mga makabagong pamamaraan sa pagpapanatili ng mga produkto.
Kinabibilangan ito ng mga kumpaniyang gumagawa ng mga home decors, jewelry at shell craft trading at handicrafts trading mula sa bayan ng Liloan, Cordova, Minglanilla at mula sa mga lungsod ng Cebu, Talisay, at Lapu-Lapu.
Nabigyan ng pagkakataon ang mga Cebu-based MSMEs na maipakita ang mga produktong gawa ng mga local manufacturers at makipagsabayan sa iba pang mga MSMEs mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang National Trade Fair ay inorganisa ng DTI-Bureau of Domestic Trade Promotion sa pakikipag-tulungan sa OTOP Philippines program sa ilalim ng MSME Development Group.| ulat ni Angelie Tajapal| RP1 Cebu