Pinalibutan at ilang ulit na sinadyang banggain ng sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) na naglalagi sa Escoda Shoal na bahagi ng exclusive economic zone ng bansa.
Ayon sa pahayag ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa isang presscon kahapon, ang isinagawang pagbangga ng CCG sa BRP Teresa Magbanua ay sinadya kahit walang anumang probakasyon ang nagmula sa kanilang hanay.
Naglalagi lamang umano ang barko ng bansa sa Escoda Shoal dahil sa pagsasagawa nito ng regular na operasyon nito na nasa loob naman ng EEZ ng bansa.
Nagtamo ng ilang pinsala ang BRP Teresa Magbanua dahil sa halos tatlong beses na sadyang pagbangga ng CCG kasabay pa ang pagpapalibot ng ilang sasakyan ng Chinese maritime militia at PLA Navy.
Kanilang iniulat na rin ang nangyari sa Department of Foreign Affairs (DFA), na kasalukuyang pinag-aaralan ang nararapat na diplomatic response sa insidente.
Sa huling ulat ng PCG ay nakaangkla na sa ngayon ang BRP Teresa Magbanua habang sinusuri ang mga pinsala na dulot ng pagbangga ng barko ng CCG. Habang wala namang napaulat na nasugatan sa mga tauhan ng barko.
Maaalala magmula pa noong Abril, idineploy ng Pilipinas ang 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua, ang pinakamahal na sasakyang pangdagat ng PCG at isa sa pinakamalaking barko nito, sa kagaratan sa Escoda Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.| ulat ni EJ Lazaro