Pinaigting pa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang kampanya kontra sa mga pekeng sigarilyo na ipinupuslit sa bansa.
Ito ang inihayag ni CIDG Director, Police Maj. Gen. Leo Francisco makaraang masabat nito ang nasa ₱3.6-milyong pisong halaga ng mga puslit na sigarilyo mula sa pitong naaresto nilang suspek sa limang magkakahiwalay na operasyon sa Mindanao.
Kabilang sa mga ginalugad ng CIDG sa ilalim ng “Oplan Megashopper” ay ang mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Sarangani, South Cotabato, North Cotabato, gayundin ang Koronadal City.
Paliwanag ni Francisco, layon nito na protektahan ang lokal na industriya ng sigarilyo dahil bukod sa bilyong pisong pagkalugi ay nawawalan din ng bilyong pisong buwis ang pamahalaan dahil dito.
Nagbabala pa ang CIDG chief na posibleng pagmulan ng “public health hazard” ang pagkalat ng puslit na mga pekeng sigarilyo at sinasabotahe nito ang anti-smoking campaign ng pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala