Tiniyak ng COMELEC na nakatutok ito sa pagbabantay laban sa fake news ngayong nalalapit na eleksyon.
Sa pagtalakay sa plenaryo ng Kamara sa P35.19 bilyong proposed budget ng poll body, natanong ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kung ano ang mga hakbang ng COMELEC laban sa red-tagging, fake news, at disinformation.
Tinukoy pa nito ang isang pekeng resolusyon ng COMELEC na may kalakip pang mga pirma ng commissioners at chairperson.
Tugon naman ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas, budget sponsor ng COMELEC na ngayong araw ay maglalabas ang poll body ng resolusyon para tugunan ang pagkalat ng maling impormasyon sa social media misinformation, pati na ang parameters sa pagtukoy ng deep fakes.
Kasabay nito kinumpirma rin ng poll body na magdaraos sila ng tatlong araw na demonstration sa Kamara ukol sa paggamit ng bagong automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa papalapit na midterm elections. | ulat ni Kathleen Forbes