Nasa kamay na ng National Bureau of Investigation at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-iimbestiga ukol sa napaulat na panunuhol sa mga opisyal ng COMELEC ng MIRU system na siyang bagong service provider ng automated elections ng bansa.
Ito ang tinuran ni appropriations vice-chair Bingo Matugas sa pagsalang ng panukalang pondo ng COMELEC para sa 2025.
Nausisa kasi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kung may isinasagawa bang pagsisiyasat ukol dito.
Kailangan kasi aniya maalis ang agam-agam tungkol sa isyu dahil sa mabigat na alegasyon ang panunuhol lalo na kung ang nalalapit na eleksyon ang pinag-uusapan.
Tugon ni Matugas na siyang budget sponsor ng poll body, lumagda na ng waiver ang chairman at commissioners ng COMELEC sa bank secrecy law para mabuksan ang kanilang mga bank accounts.
Kasalukuyan rin aniyang nagsisiyasat na ang NBI at AMLC ukol dito.| ulat ni Kathleen Forbes