Makikipagtulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga online platform para sa mabilis na pagpapatanggal ng fake news, misinformation at disinformation sa paparating sa campaign period para sa 2025 midterm elections.
Sa pagdinig ng panukalang 2025 budget ng Comelec sa Senado, inamin ni Comelec Chairperson George Garcia, na wala pa silang regulasyon sa paggamit ng social media, kabilang na ang deepfakes at artificial intelligence (AI).
Sinabi ni Garcia, na hindi nila ipagbabawal ang paggamit ng AI dahil maganda naman ito kung magamit ng maayos.
Ang iiwasan aniya nila ay ang misinformation, disinformation at fake news kaya sa inilabas nilang guidelines ay makikipag coordinate sila sa iba’t ibang platforms gaya ng X, Google at iba pa para mapatanggal ang mga maling impormasyon na kakalat.
Umaasa ang Comelec chair, na sa pamamagitan ng kanilang guidelines ay maaalis kaagad o sa parehong araw ang fake news o maling impormasyon na makikita sa online sites.
Makikipagtulungan rin ang ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT), at sa Philippine National Police (PNP) sa darating na campaign period.
Magkakaroon rin aniya sila ng parusa para sa mga mapapatunayang magkakalat ng disinformation, misinformation at fake news. | ulat ni Nimfa Asuncion