Pinawi ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella ang pangamba na ikalulugi ng bansa ang pagpapatupad ng condonation sa mga utang ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sa isang ambush interview kay Estrella muli nitong itinanggi na may malaking epekto ang pag-condone ng lahat ng utang pang-agraryo ng mga ARBs dahil ang mahalaga aniya ay maibsan ang paghihirap ng mga ito.
Sabi pa ni Sec. Estrella, dahil hindi magkasundo ang records ng utang ng mga ARBs sa Landbank at DAR, mas mabuti nang patawarin ang mga ito sa utang na magdudulot pa ng paggaan ng buhay at pag-unlad ng mga pamilya.
Isang araw bago ang kaarawan ng Pangulo, handog nito sa mga magsasaka ang pamamahagi ng Certificates of Condonation at Land Ownerships Award sa mga ARBs.
Sinabi pa ng kalihim na tinutupad lang ng Pangulo ang pangako ng kanyang gobyerno na magbigay ng lupa at kasaganaan sa mga magsasaka na mga bayani sa likod ng kasapatan ng pagkain sa bansa. | ulat ni Melany Valdoz Reyes