Pinahihinto na ng Malabon City government ang operasyon ng waste management at sanitation company na Metrowaste Solid Waste Management Corporation (MSWMC) sa paggamit ng Malabon Transfer Station sa Barangay Panghulo.
Ayon sa City Legal Department (CLD), inisyuhan ng ‘cease and desist’ order ang kumpanya matapos na hindi tumugon sa makailang ulit nang reklamo mula sa mga residente kaugnay ng hindi tamang pamamahala nito sa mga basura.
Paliwanag ng CLD, dapat na pansamantalaang tambakan lang ang Malabon Transfer Station kung saan gagawin ang segregation bago ilipat sa mas malalaking dump truck na magdadala ng mga ito sa itinakdang tapunan.
Ngunit sa imbestigasyon ay natuklasang nakatambak ang mga hindi na-segregate na basura sa lupa sa paligid ng transfer station, na isang malinaw na paglabag sa kasunduan at Temporary Lifting Order na inisyu sa MSWMC ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau – National Capital Region (DENR-EMB-NCR).
Natuklasan din ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na ang ilang basura ay humalo na sa tubig baha sa loob ng pasilidad at wala itong maayos na drainage system.
Sa ngayon, inatasan na ang MSWMC na tanggalin ang mga basura at magpatupad ng mga alternatibong solusyon sa transfer station.
Magpapatuloy pa rin naman ang koleksyon nito ng basura sa lungsod at maaari pa ring gamitin ang transfer station bilang parking at dispatching area para sa kanilang mga garbage truck. | ulat ni Merry Ann Bastasa