Bumoto ang lahat ng 23 na senador pabor sa pagpapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ng CREATE MORE bill (Senate Bill 2762).
Layon ng naturang panukala na ayusin ang CREATE law (RA 11534).
Una nang sinabi ni Senate Committee on Ways and Means chairman Senador Sherwin Gatchalian na layon ng panukalang ito na linawin ang mga tuntunin at patakaran sa pangangasiwa ng fiscal regime incentives.
Target ng priority bill na ito na mapatatag ang investment climate ng Pilipinas at makahikayat ang ating bansa ng mga bagong mamumuhunan.
Oras na maisabatas, magbibigay ito ng kalinawan pagdating sa VAT zero-rating sa local purchases at VAT exemption sa pag-import ng mga produkto at serbisyo.
Ipapatupad ang VAT zero-rating at exemption sa mga produkto at serbisyo na may kinalaman sa anumang nakarehistrong proyekto o aktibidad, kabilang ang essential services tulad ng janitorial, security, financial, consultancy, marketing, pati na mga trabahong administratibo tulad ng human resources, legal, at mga serbisyo sa accounting.
Ang panukala ay nagpapakilala din ng hindi hihigit sa 2% na Registered Business Enterprise Local Tax (RBELT) batay sa gross income upang pasimplehin ang proseso ng pagbubuwis para sa mga negosyo.| ulat ni Nimfa Asuncion