Nakaalerto na ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng epekto ng bagyong Gener sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa pinakahuling pagtaya ng DA, maaaring maapektuhan ng bagyo ang nasa 1.3 milyong ektarya ng standing crops sa CAR, Ilocos Region, Cagaya Valley, Central Luzon, at CALABARZON.
Nasa isang milyong ektarya rito ay tanim na palay kung saan 46.11% ang nasa seedling at vegetative stage habang 13% naman ang nasa maturity stage na.
Mayroon ding binabantayang halos 300,000 ektarya taniman ng mais kung saan 60% ang nasa reproductive stage habang 29% ang nasa maturity stage.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa mga LGU at mga lider ng magsasaka para sa posibleng impact ng bagyo.
Nakasubaybay rin ito sa sitwasyon sa mga bukid para sa posibleng pinsala at pagkalugi na maaaring maranasan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Nakahanda na rin ang mga intervention ng kagawaran kasama na ang mga binhi ng palay at mais, Survival and Recovery (SURE) Loan Program, at Quick Response Fund (QRF). | ulat ni Merry Ann Bastasa