DA, nananatiling kumpiyansa sa bakuna kontra ASF

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nananatiling positibo ang Department of Agriculture (DA) sa ikinakasang bakunahan kontra African Swine Fever (ASF), sa kabila ng naitalang pagkasawi ng limang baboy na kasama sa unang batch ng naturukan nito.

Paliwanag ng DA, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang mga hayop ay mayroon nang umiiral na resiratory illness na hindi naulat bago ang pagbabakuna.

Ayon din kay DA Assistant Secretary Dante Palabrica, hindi dapat na idepende lang sa limang baboy ang obserbasyon kung epektibo ba ang bakuna o hindi dahil dadaan pa ito sa malawakang pagsusuri.

Kaugnay nito, binigyang-diin naman ng DA ang kahalagahan ng biosecurity at tamang pag-uulat kasunod ng insidente sa ASF vaccine administration.

Ayon sa DA, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga hog raiser na sumunod sa tamang biosecurity protocols at agad na iulat ang anumang isyu sa kalusugan ng kanilang mga alagang baboy.

Sinang-ayunan din ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang pangangailangan ng pagiging maingat ng mga hog raiser sa pagsunod sa mga protocol upang maprotektahan ang mga baboy at makatulong na kontrolin ang pagkalat ng virus.

Sa ngayon, tiniyak naman ng DA na patuloy ang pagsisikap nito para makahanap ng mga karagdagang supplier ng bakuna kontra ASF. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us