Inalerto na ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa banta ng tropical storm na nasa labas ng bansa at tatawaging ‘Ferdie’ pagpasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa inilabas nitong abiso, pinaaalalahanan ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan.
Pinatitiyak ring nasa isang ligtas na lugar ang mga seed reserves, planting materials, at iba pang farm inputs gayundin ang mga livestock.
Pinalilinis na rin ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na nang hanguin ng maaga ng kanilang mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong tuloy-tuloy na ang paghahanda para ayudahan ang mga maapektuhang magsasaka at mangingisda ng bagyo.
Kabilang dito ang pag-pre-position ng mga binhi at pakikipag-ugnayan na rin sa mga LGU at Regional DRRM offices. | ulat ni Merry Ann Bastasa