Tuluyan nang tinanggal sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si dating Albay Governor Noel Rosal.
Ito’y kasunod ng mga kasong ‘grave misconduct’, ‘oppression’ at ‘conduct prejudicial to the best interest of the service’ na inihain laban sa kaniya at sa misis nitong alkalde ng lungsod ng Legazpi na si Mayor Geraldine Rosal noong 2022.
May kinalaman ito sa umanoy’ hindi makatwirang paglilipat ng dating gobernador sa pwesto sa ilang mga department head ng Provincial Government ng Albay.
Sa desisyong inilabas ng Ombudsman, ang ginawang ito ni Rosal ay labis na nakaapekto sa operasyon at pagbibigay serbisyo sa publiko ng lokal na pamahalaang panlalawigan.
Isang taon na suspensyon naman ang ipinataw ng anti-graft court kay Mayor Geraldine Rosal dahil sa paglipat din nito sa pwesto kay Legazpi City Engineer Clemente Ibo sa provincial government.
Batay sa desisyon ng Ombudsman, bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo sa gobyerno ay pinagbabawalan na ring humawak ng anumang pwesto sa gobyerno si dating Albay Governor Noel Rosal. | ulat ni Diane Lear