Nakatakdang dalhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Capas, Tarlac si dating Bamban Mayor Alice Guo ngayong araw.
Ito’y para ibalik sa korte ang inilabas na Warrant of Arrest ng 3rd Judicial Region, Branch 109 dahil sa kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ito’y dahil sa pagpayag ni Guo na magamit ang kaniyang lupain para sa operasyon ng iligal na POGO sa bansa.
Una nang sinabi ng PNP na bailable ang naturang kaso.
Pero ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., sa sandaling makapaglagak na ng piyansa si Guo, ipauubaya na nila sa korte kung saan ito idedetine.
Sakaling magpasya ang korte na sa Senado ikukulong si Guo ay agad itong ite-turnover sa Senate Sargeant-at-Arms.
Samantala, sa kaniyang pagbabalik, sinabi ni Guo na ngayong nakabalik na siya sa Pilipinas, pakiramdam nito’y siya’y ligtas na matapos humingi ng tulong kay Abalos dahil sa umano’y banta sa buhay nito. | ulat ni Jaymark Dagala