Tinutugunan na ng House Medical and Dental Service ang iniindang sakit ni dating PCSO General Manager Royina Garma na kasalukuyang nakadetine sa Kamara matapos ma-cite in contempt.
Lumiham si Garma sa Quad Committee kung maaaring magpatingin sa ospital dahil sa sakit sa leeg at tuhod.
Dahil naman dito, hiniling ng komite sa House MDS na i-evaluate muna si Garma kung kailangan nga ba siya dalhin sa ospital.
Ayon kay House Sec. Gen. Reginald Velasco, batay sa ebalwasyon ni Medical Director, Dr. Luis Jose Bautista, ang sakit sa leeg at tenga ni Garma ay dahil sa dental problem at unti-unti nang nawawala ang sakit matapos mabigyan ng gamot.
Sumasailalim na rin aniya si Garma sa physical therapy sa pamamagitan ng in-House rehabilitation therapy service para sa kaniyang tuhod.
Dahil dito, hindi na kailangan pa pumunta ng pribadong ospital ni Garma. | ulat ni Kathleen Forbes