Nauwi sa contempt ang patuloy na pag-iwas ni dating PCSO GM Royina Garma na sumagot sa mga tanong ng mga mambabatas sa isinasagawang pagdinig ng Quad Committee.
Si Quad Comm co-chair Joseph Stephen Paduano ang nagmosyon na ipa-contempt si Garma dahil sa hindi pagsagot ng makatotohanan sa mga katanungan ng mga mababatas.
Una rito ay ang hindi agad pag-amin ni Garma na mayroon siyang postpaid line.
Ito ay para matukoy kung tunay ngang tumawag si Garma sa inmate na si Jimmy Fortaleza para makausap ang noo’y warden ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) na si Supt. Gerardo Padilla.
Sinundan ito ng pag-iwas niya sa tanong kung ano dahilan ng kaniyang plano para lumipad pa-US nito lang huling linggo ng Agosto.
Nagdulot din ng pagdududa sa mga mambabatas kung bakit hindi pinayagan ng Japan na makalipad si Garma pa-US.
Sa pahayag kasi ni Garma, bumili siya ng ticket pa-US na mayroong connecting flight sa Japan.
Ngunit nang pa-sakay na aniya siya ng eroplano mula Japan pa-US ay hindi na siya nakakuha ng boarding pass.
Ang paliwanag aniya sa kaniya ng ground attendant ng Japan Airlines ay hindi na valid ang kaniyang US visa.
Idedetine naman si Garma sa detention facility ng Kamara hanggang sa matapos ang pag-dinig ng Quad Comm o hanggang sa magsabi siya ng totoo. | ulat ni Kathleen Forbes