Binahagi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na tiniyak ni dating PNP chief Benjamin Acorda Jr. sa council of chiefs o sa grupo ng mga dating naging hepe ng pambansang pulisya na wala siyang ginagawang masama.
Ito ay matapos lumabas ang litrato ni Acorda na kasama ang mga POGO personalities gaya nina tony yang maging ni Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay.
Ayon kay Dela Rosa, bibigyan naman ng pagkakataon si Acorda na ipaliwanag ang kanyang panig sa magiging susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women.
Pero sa kanilang grupo, nagsabi na aniya si Acorda na hindi siya sangkot sa POGO at hindi rin siya ang tinutukoy sa isang unverified information na may isang dating PNP chief na nasa POGO payola.
Dinagdag pa nitong kahit sino naman ay pwedeng magpalitrato sa isang chief PNP.
Sinabi pa ng senador na base rin sa kanyang pagkakakilala kay Acorda ay matino naman itong tao.| ulat ni Nimfa Asuncion