Aminado ang Department of Education (DepEd) na hindi lubos na maisakatuparan ang Republic Act 11106 o Filipino Sign Language Act dahil sa kakulangan ng mga guro na marunong ng Filipino Sign Language (FSL).
Ito ang tinuran ni Davao de Oro Representative Maria Carmen Zamora, budget sponsor ng DepEd, sa interpelasyon ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro.
Napuna kasi ni Castro ang tila kawalan ng lugar ng FSL sa Matatag Curriculum.
“Wala po doon sa Matatag Curriculum ‘yung pag-cater natin sa mga students na may special needs lalo na sa mga estudyante nating bingi… Baka hindi naintindihan ng gumawa ng Matatag Curriculum na… ang FSL ay isang visual language. Hindi ito Filipino. Hindi ito English,” giit ni Castro.
Tugon ni Zamora, sadyang kulang lang talaga sa mga guro na maalam sa FSL para punan ang pangangailangan ng mga mag-aaral na may kapansanan sa pandinig.
“There is a shortage of teachers proficient in FSL and efforts are currently being made to train educators, but the number of trained teachers is still insufficient to meet the needs of deaf learners nationwide,” sabi ni Zamora.
Sa ilalim ng 2025 proposed budget ng ahensya maglalaan ng ₱10 million na pondo na gagamitin sa paggawa ng mga instructional video lesson sa kung paano ituturo ang FSL.
Kasabay nito umapela rin ang DepEd na makonsiderang madagdagan ang pondo para sa Inclusive and Special Needs Education Program (ISNED).
Tinukoy kasi ni Casto na wala man lang increase sa pondo para sa pag-convert ng Special Education (SPED) centers bilang Inclusive Learning Resource Centers na napako sa ₱209-million gaya ng kasalukuyang 2024 budget nito.
Bukod pa ito sa pagbaba ng pondo para sa pagpapatupad ng ISNED program na pinaglaanan ng ₱843.85-million sa 2025 National Expenditure Program (NEP) mula sa ₱999.23-million ngayong 2024.
“The department would actually wish that an additional appropriation be given to this, acknowledging that this is a program that needs also a budget and attention,” ani Zamora. | ulat ni Kathleen Jean Forbes