Nagsagawa ng pagpupulong sina Education Secretary Sonny Angara at Health Secretary Ted Herbosa upang talakayin ang mga pagtutulungan ng dalawang ahensya para sa pagbibigay ng tulong sa mga mag-aaral.
Ayon kay Secretary Angara, kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang pagpapalakas sa implementasyon ng Okay ang Kalusugan sa DepEd-DOH Healthy Learning Institutions program.
Layon nitong matugunan ang mga isyung pangkalusugan ng mga mag-aaral tulad ng pag-iwas sa mga sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna, pagpapababa ng mga kaso ng malnutrisyon, suicide attempts, teenage pregnancy, at HIV infection.
Tiniyak din ng dalawang ahensya ang pagkakaroon ng maayos na supply tubig sa mga paaralan upang maisagawa ang regular na paghuhugas ng kamay at proper hygiene.
Bukod dito, binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang nutrisyon para sa mga batang may edad 0-5 upang matiyak ang kanilang maayos na pisikal at mental na kalusugan bago pumasok sa kindergarten. | ulat ni Diane Lear