Lumagda sa kasunduan ang Department of Education (DepEd) at Land Bank of the Philippines (LBP) upang magtulungan na kumpunihin ang mga silid-aralan na naapektuhan ng kalamidad.
Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at LBP President Lynette Ortiz ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA).
Sa ilalim ng kasunduan, nakasaad na maglalaan ang LBP ng P500,000 sa 12 paaralan para sa mga pagkukumpuni ng mga ito sa loob ng dalawang taon.
Bukod pa rito, ibinahagi rin ni Ortiz na ang LBP ay nag-ambag ng karagdagang P1 milyon sa pagpopondo para sa konstruksyon ng mga napiling paaralan.
Nakasaad din sa MOA na ang Schools Division Offices (SDOs) ang mangangasiwa sa pagsunod sa mga pamantayan ng gobyerno at pagpapatuloy ng pag-aaral habang isinasagawa ang mga pagkukumpuni.
Nagpasalamat naman si Secretary Angara sa partnership na ito, at sinabing malugod na tinatanggap ng DepEd ang iba pang mga partnership upang mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo ng basic education sa bansa. | ulat ni Diane Lear