Lumagda sa kasunduan ang Department of Education (DepEd) at Rebisco Food Group of Companies upang lalo pang palakasin ang mga programa sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at mga kinatawan nasabing kumpanya ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA).
Ayon sa DepEd, layon ng pakikipagtulungan na ito na magbigay ng suporta sa pagbuo ng mga learning material, pagtatayo ng mga school building at canteen sa mga paaralan, at pagsuporta sa mga pangunahing programa ng DepEd tulad ng Brigada Eskwela, School-Based Feeding Program, at pagdiriwang ng National Teachers’ Day.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Angara ang kanyang pasasalamat sa kumpanya para sa kanilang patuloy na suporta sa DepEd.
Umaasa naman ang kalihim na mas maraming pribadong sektor ang makakatuwang ng ahensya upang palakasin ang mga programa sa basic education. | ulat ni Diane Lear
Photo: DepEd