Nagpasalamat ang Department of Education (DepEd) sa Kongreso matapos mapagtibay ang kanilang panukalang budget na P793.1 bilyon para sa taong 2025.
Sa ilalim ng pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, lubos ang pasasalamat ng DepEd kay House Speaker Martin Romualdez, Budget Sponsor Rep. Maria Carmen Zamora, at sa lahat ng miyembro ng Kamara dahil sa kanilang suporta at pagtitiwala sa ahensya.
Ayon sa DepEd na ang budget na ito ay gagamitin sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan, pagsasaayos ng mga paaralan, programang computerization, pagbili ng mga gamit pang-edukasyon, paglikha ng mga bagong posisyon para sa mga guro, pagsasanay para sa mga guro, school-based feeding program, at iba pa.
Naniniwala ang DepEd na sa pag-apruba ng budget na ito ay malaking hakbang tungo sa pagkamit ng mithiin na magkaroon ng “Bagong Pilipinas” na may de kalidad na edukasyon para sa lahat. | ulat ni Diane Lear