Mula Oktubre hanggang Disyembre ay magsasagawa ng learning sessions ang Department of Education (DepEd) para sa may 1.6 million na mag-aaral sa public schools edad 15, bilang paghahanda sa papalapit na 2025 PISA Assessment.
Pagsapit naman ng Enero 2025, pipili ang OECD-Pisa ng nasa 150 mahigit na pampublikong paaralan na pagkakalooban ng kinakailangan ICT equipment.
Matatandaan na kamakailan lang ay nakipagkasundo ang kagawaran sa Khan Academy para sa pagbibigay ng online learning service para mapagbuti ang score ng mga mag-aaral na kukuha ng pagsusulit ng PISA.
Sa Pebrero ay pipili na ng 7,000 estudyante na kukuha ng pagsusulit habang ipinagpapatuloy ang intensified learning sessions.
Nasa 60 percent ng kabuuang pagsusulit ay nakatuon sa science kaya naman aminado si Education Sec. Sonny Angara na hamon ngayon sa Pilipinas na mapataas ang competency sa Science, dahil sa kakulangan ng science teachers at ang mababang ranggo na nakuha ng bansa sa nakalipas na PISA tests.
Noong 2023, sa 81 bansa na nakibahagi sa PISA test, pang 76th ang Pilipinas sa Reading at Mathematics habang pang 79th naman sa Science. | ulat ni Kathleen Forbes