Kasabay ng pagbubukas ng National Teachers’ Month 2024 sa Candon City, Ilocos Sur, pinasalamatan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang mga guro sa buong bansa.
Ito ay dahil sa kanilang walang sawang dedikasyon sa paghubog ng mga mag-aaral at sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Angara, ang mga guro ang pundasyon ng bansa dahil walang pag-unlad na mangyayari kung wala sila.
Bukod dito ibinalita rin ni Angara ang mga na-update na benepisyo at insentibo para sa mga guro, kabilang ang 2024 salary differential, taunang medical allowance, pagtaas ng teaching allowance, at ang paglabas ng Performance-Based Bonuses para sa 2022 at 2023.
Tiniyak din ni Angara na patuloy na tutugunan ng Department of Education ang mga hinaing ng mga guro, kabilang ang pagbabawas ng kanilang workload at pagbibigay ng sapat na oras ng pahinga sa pagitan ng mga klase. | ulat ni Diane Lear