Siniguro ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na tutulong sila sa pag-execute ng contempt order laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa ambush interview kay DILG Secretary Benhur Abalos, sinabi nitong handa silang makipag-coordinate sa House of Representatives tungkol sa contempt order at pag-aresto kay Roque.
“Yung sa paghahanap kay Harry Roque, ang sagot lang po namin, kami’y handa pong makipag-coordinate sa House of Representatives. Kung mayroong contempt makikipag-coordinate lang po sila sa PNP at tutulong po ang PNP sa paghahanap.” sabi ni Sec. Abalos.
Sinegundahan ito ni PNP Chief Rommel Marbil.
Aniya, lahat ng ahensyang hihingi ng tulong sa kanila ay kanilang tutulungan.
Katunayan, naka alerto at katuwang din aniya nila ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration para sa paghahanap kay Roque.
Sabi pa ni Marbil, alam na ni Roque ang tama sa mali at mas makabubuti kung magkusa na siyang humarap sa Kamara.
“Ang sabi nga ng ating secretary, we’re helping all agencies po, not only the Philippine National Police, and the NBI and the BI are helping po sa paghahanap sa kanya…Alam niya po yung tama sa mali. Tapos magpakita po siya dito sa House of Representatives po.” Sabi ni Marbil. | ulat ni Kathleen Forbes