Nakahanda ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) na dalhin sa Senado si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., dapat raw maunawaan ng Senado na kailangan ng DILG at ng PNP ang Court Order, upang mailipat ng kustodiya ang dating alkalde.
Nilinaw din ng kalihim na tali ang kanilang kamay sa kautusan ng hukuman.
Nauna nang bumuo ng Task Force ang DILG na nag-resulta ng pagsasampa ng kasong katiwalian kay Guo.
May kinalaman ito sa pagbigay ng pabor ng alkalde sa dalawang kumpanya sa pagtatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang ‘di umano’y personal na interes sa mga pag-aari ng itinayong POGO sa Bamban.
Sinabi pa ni Abalos na nagbigay ng assurance ang dating alkalde na dadalo sa lahat ng pagdinig sa Senado kaugnay sa usapin ng POGO.
Sa ngayon, si Guo ay nasa kustodiya ng PNP Custodial Center sa Kampo Crame. | ulat ni Rey Ferrer