Binigyang-linaw ngayon ni Department of the Interior and Local Governmen (DILG) Secretary Benhur Abalos na hindi basta-basta mapapawalang bisa ang pagsasama ng mga mag-asawang ikinasal ni dismissed Mayor Alice Guo.
Matatandaan na isa ito sa mga isyu na inilapit ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa Budget deliberation sa Plenaryo.
Sinabi ng kalihim na maaaring gamitin ng mga ikinasal ni Alice Guo ang Article 35 paragraph 2 ng Family Code of the Philippines.
“Yong tanong, ‘yong mga kinasal ni Alice Guo no’ng siya ay mayor, I will just refer you direct to the Family Code, Chapter 3, Article 35, Number 2, babasahin ko po: “Though solemnized, the following marriages shall be void from the beginning. Number 2. Though solemnized by any person not legally authorized to perform marriages, unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith, that the solemnizing officer had the legal authority to do so,” paglalahad ni Sec. Abalos.
Nakasaad kasi dito na mapapawalang-bisa ang isang kasal kung ang solemnizing officer ay walang kapasidad o awtorisasyong magkasal maliban na lamang kung ang magkapareha ay “in good faith” na ang nagkakasal sa kanila ay may awtoridad.
“So kung ikaw ay “in good faith” naniniwala ka na si Alice Guo ay talagang may awtoridad na magkasal, ako naman I guess karamihan sa kanila ay gano’n ang tingin dahil mayor nga naman siya, could make use of this article,” paliwanag ni Abalos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes