Nakapaglagak na ng piyansa si dismissed Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo para sa kasong dalawang bilang ng graft
sa Valenzuela Regional Trial Court Branch 282.
Sa pagdinig kanina sa sala ni Judge Elena Amigo Amano, tinangka ni Atty. Stephen David, abogado ni Guo, na magkaroon ng status quo para manatili sa PNP custodial facility si Guo dahil maituturing na high profile ang kaniyang kliyente.
Gayunman, sinabi ng korte na may letter request ang Quad Committee ng House of Representatives na kunin ang kustodiya kay Guo dahil sa Contempt Order nito.
Pero, sa Lunes pa ito tatalakayin ng korte. At kung ganito ang mangyayari, sa Valenzuela BJMP makukulong si Guo.
Dito na nagmosyon si Atty David na magpiyansa na lang ang kaniyang kliyente.
Kinatigan naman ni Judge Amano ang hirit na piyansa ng kampo ni Guo.
Gayunman, iginiit ng Ombudsman prosecution team na gawing triple ang piyansa dahil maituturing na high risk si Guo.
Mula sa dating ₱90,000 kada bilang ng graft, ginawa itong ₱540,000 ang inilagak na piyansa ni Guo.
Pero, kahit nakapagpiyansa na si Guo, makukulong pa rin si Guo.
Kanina dumating din dito ang mga tauhan ng CIDG para basahan si Guo ng Miranda Rights.
Muli itong inaresto dahil sa bagong kaso ng Qualified Human Trafficking sa Pasig RTC.
Sa ngayon nakaalis ang convoy ni Guo papunta sa PNP Custodial Center para sa medical at booking procedure bago siya dalhin sa Pasig City Jail Female Dormitory. | ulat ni Diane Lear