Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na matutuloy na ang paglipat kay dismissed Mayor Alice Guo sa Pasig City Jail sa kabila ng naging delay dito.
Ayon kay Gatchalian, dahil mayroon nang court order ay kailangan na lang hintayin na makumpleto at matapos ang documentary process.
Sang-ayon ang senador na dapat malipat sa normal na kulungan si Guo at hindi ito dapat bigyan ng special treatment.
Giniit naman ni Senate Committee on Women Chairperson Senator Risa Hontiveros na karapat-dapat lang makulong si Guo at harapin ang non-bailable offense nitong qualified human trafficking.
Sinabi ni Hontiveros na sa kasong ito ay hindi na magagamit ng dating alkalde ang POGO money para malusutan ang batas.
Malaking panalo aniya ito para sa mga biktima ng human trafficking na pilit pinagtrabaho sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Nagpasalamat din si Hontiveros, sa Department of Justice, National Bureau of Investigation, Anti-Money Laundering Council, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pang law enforcement agencies para sa mabilis na aksyon sa kasong ito mula sa pag-raid ng mga POGO hub, pag-rescue ng mga biktima hanggang sa pagsasampa ng kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion