Muling nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko laban sa mga illegal recruiter na gumagamit ng social media at iba pang online platforms para makapang-akit ng mga nais na maging overseas Filipino workers (OFWs).
Sa abiso ng DMW, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na maging maingat at laging i-verify ang lisensya ng mga recruitment agency at kanilang mga ahente bago mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.
Para makasiguro, maaaring bisitahin ang website ng DMW sa https://dmw.gov.ph/licensed-recruitment-agencies upang i-verify kung lisensyado ang isang ahensiya. Maaari ring i-check ang mga approved job orders sa nasabing website.
Ayon sa DMW, huwag magpapadala sa mga magagandang pangako at alok ng mga illegal recruiter.
Kung mayroong anumang kahina-hinalang aktibidad o pekeng job posting na nakita online, agad itong ipagbigay-alam sa DMW Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) sa pamamagitan ng numero na (02) 872-10619 o mag-email sa [email protected].| ulat ni Diane Lear