Nakatakdang maghain ngayon ang Department of National Defense (DND) ng mosyon sa Quezon City Hall of Justice para harangin ang paglilipat ng kustodiya kay KOJC Leader Apollo Quiboloy.
May kaugnayan ito sa custody request ng kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo mula sa PNP Custodial Center.
Nakaiskedyul ang paghahain ng mosyon ng DND ngayong alas-9:30 ng umaga na pangungunahan ni Assistant Secretary and Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence Dy.
Una nang ipinunto ng DND na walang pangangailangan na mailipat ng kustodiya si Quiboloy dahil wala naman itong kinakaharap na anumang kaso sa General Court Martial at hindi rin miyembro ng militar.
Samantala, nakatakda namang basahan din ng sakdal si Quiboloy at mga kapwa nito akusado sa Branch 106 ng QC RTC mamayang hapon na para sa kasong child at sexual abuse.
Gaganapin arraignment at pre-trial sa pamamagitan ng videoconference hearing. | ulat ni Merry Ann Bastasa