Naghain ngayong hapon ang Department of National Defense (DND) sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ng comment opposition para tutulan ang paglilipat ng kustodiya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at apat pang co-accused nito sa military facility.
Sa panayam kay DND Assistant Secretary Erik Dy, sinabi nitong ang mga alegasyon sa mga akusado ay pawang mga heinous crimes na saklaw ng mga civilian court.
Ayon kay Dy, nararapat lamang na manatili sa mga law enforcement ang kustodiya nina Quiboloy at apat na iba pa, at hindi sa Armed Forces of the Philippines.
Paliwanag pa ni Dy, ang mga AFP detention facility ay para lamang sa mga AFP military officer at personnel na may kasong may kinalaman sa kanilang serbisyo, at ang mga akusado ay hindi naman miyembro ng AFP.
Nabatid na naghain ng mosyon ang kampo ni Quiboloy at apat na co-accused nito para sa paglilipat ng kaniyang kustodiya mula sa Philippine Nationa Police patungo sa AFP.
Si Quiboloy ay nahaharap sa kasong human trafficking sa Pasig RTC na non-bailable. | ulat ni Diane Lear