Isang araw bago ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC), nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga lokal na opisyal na maging maingat sa pagtanggap ng tulong o pera mula sa mga kaduda-dudang pinagmulan.
Ang panawagan ay ginawa ni Teodoro sa isang forum tungkol sa Maritime domain ng bansa.
Binigyang diin ng kalihim, na hindi dapat pahintulutan ang mga international na sindikato na magkaroon ng impluwensya sa bansa.
Ayon kay Teodoro, ang paglaganap ng mga perang galing sa iligal na gawain ay maaaring makasira sa ekonomiya ng Pilipinas. Ipinaliwanag din niya na ang mga kahina-hinalang pera ay may malaking koneksyon sa seguridad ng bansa.
Dagdag pa ng kalihim, mahalagang suriing mabuti ang mga taong nag-aalok ng negosyo at alamin ang kanilang tunay na motibo.
Nagpaalala rin siya na walang negosyong nagbibigay ng “mabilis na pera” nang walang kapalit. | ulat ni Diane Lear