Binibigyang babala ng Department of Health (DOH) ang publiko hinggil sa mga umano’y naipapasok na mga bakuna kontra Mpox dito sa bansa.
Ayon sa mga ulat na natanggap ng DOH, may mga bakunang inaalok umano ng mga indibidwal o organisasyon na walang tamang pangangasiwa ng mga kaukulang ahensya.
Binibigyang-diin ng DOH at ng Food and Drug Administration (FDA) na ang mga bakunang ito ay maaaring hindi nakasunod sa mahigpit na pamantayan sa kaligtasan at bisa dahil sa maaaring wala ito sa nararapat na kondisyon na nangangailangan ng tamang pag-iimbak at handling tulad ng cold chain.
Pinapayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang mga unverified source na pinagmumulan ng bakuna at hintayin ang mga bakunang opisyal na naaprubahan at nire-regulate ng mga awtoridad dito sa Pilipinas.
Dagdag pa ng health department, ang pagtitiwala sa mga bakunang legal na magagamit at sertipikado ng health authorities ay magbibigay ng mas mahusay na proteksyon at tunay na seguridad laban sa Mpox. | ulat ni EJ Lazaro