Iginiit ni Atty. Isser Josef Gatdula, Assistant City Prosecutor ng Department of Justice (DOJ), na walang bisa ang counter-affidavit na isinumite ni dating Mayor Alice Guo sa DOJ kaugnay ng kasong human trafficking.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, sinabi ni Gatdula na base sa rules ng ahensya, maaari lang ipanotaryo ng isang akusado ang kanyang counter affidavit sa labas ng ahensya kung walang prosecutor na available.
Pero giit ni Gatdula, marami namang prosecutor sa DOJ kaya mali ang proseso ng paghahain ng counter affidavit na ginawa ng kampo ni Guo.
Sa pagdinig, sinalaysay ng sekretarya ni Guo na si Catherine Medina na siya ang nagpa-print ng counter affidavit na hinanda ng mga abugado ni Guo noong August 14, 2024.
Matapos nito ay inutusan umano siya ni Guo na kunin sa kanyang kwarto ang isang brown envelope na naglalaman ng isang pahina, na mayroong pirma ng dating alkalde at i-attach sa na-print na dokumento.
Matapos nito ay saka umano niya binigay sa isa pang assistant ng dating alkalde na si Gee Pepito ang buong dokumento, binigay naman ito ni Gee sa isang ‘Ka Dante’ na siya nang nagpa-notaryo na ng dokumento kay Atty. Elmer Galicia.
Ayon kay dating Mayor Alice, pinirmahan niya ang signed page na kinuha ni Cath bago pa man siya umalis ng Pilipinas noong unang linggo ng Hulyo.
Nang mausisa si Atty. Galicia tungkol sa nauna na nitong paninindigan na nakita niya ng personal si Guo nang i-notaryo ang counter-affidavit nito, ginigiit na ng abugado ang kanyang right against self-incrimination, at ang confidentiality ng executive session na ginawa na ng komite noon.
Duda naman ang mga senador na napirmahan na ni Guo ang dokumento bago pa man siya tumakas palabas ng bansa, dahil wala pang kaso noon laban sa alkalde. | ulat ni Nimfa Asuncion