Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE)-MIMAROPA na ang pondo para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ay naipapamahagi at maayos na ipinatutupad sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro sang-ayon sa mga patakaran ng kagawaran.
Ang pahayag na ito ay inilabas ng DOLE-MIMAROPA matapos ang protesta ng ilang grupo ng mga mangingisda mula Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill noong 2023.
Ayon sa kanila, hindi pa nila natatanggap ang buong halaga ng ₱200-milyong pondo para sa 9,000 miyembro kung saan may nakalaang ₱24,000 bawat isa sa mga ito.
Sa isang dayalogo, ipinaliwanag ng DOLE-MIMAROPA ang proseso ng TUPAD at binigyang-diin na walang pondo na hindi nagamit.
Ayon sa DOLE, naipamahagi na ang higit sa ₱71-milyon sa 5,934 miyembro na binigyan ng emergency employment sa ilalim ng programa.
Ang lahat ng mga sinasabing benepisyaryo ay na-profile at itinuturing na kwalipikado sa ilalim ng Department Order No. 239, series of 2023, o ang mga patnubay sa pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program.
Inaasahan ng DOLE-MIMAROPA na ang mga paglilinaw na ginawa sa pulong ay ipaparating ng mga kinatawan ng mangingisda sa mga miyembro ng kani-kanilang asosasyon. | ulat ni EJ Lazaro
📸: DOLE-MIMAROPA