Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hindi sila tumitigil sa paghahanap ng mga solusyon para sa sustainable na sistema ng transportasyon sa bansa.
Sa pamamagitan ito ng pagsusulong ng zero carbon emission and mobility at alternative-fuel vehicles.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong isinusulong ng DOTr ang Public Transport Modernization Program (PTMP), Active Transport Program, at pakikipagtulungan sa mga local government unit (LGUs) para sa pagsusulong ng low carbon urban transport systems sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Transportation Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega ang kahalagahan ng mga proyektong ito upang makamit ang sustainable na transportasyon para sa lahat.
Bukod pa rito, kabilang sa iba pang mga inisyatibo ng DOTr ang paggamit ng mga electric train, sustainable aviation fuel, pagsasanay sa mga crew sa paggamit ng methanol para sa mga sasakyang pandagat, solar panels para sa mga terminal ng paliparan, at hybrid ferry boats sa Pasig River. | ulat ni Diane Lear