Naghahanda ng komprehensibong flood risk management master plan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa tatlong pangunahing river basins sa bansa.
Sinabi ni DPWH Senior Undersecretary Emil Sadain na ang plano ay para sa Mag-Asawang Tubig at mga kalapit na river basin sa Oriental at Occidental Mindoro; ang Agno River mula Cordillera na may river system na umaabot sa Benguet, Mountain Province, Ifugao, Pangasinan, Nueva Vizcaya, sa ilang bahagi ng Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales; at ang Cadac-an River Basin sa Leyte.
Dagdag pa niya, ito ay hindi lamang makatutulong sa flood risk management kundi sa iba pang sektor na kapaki-pakinabang ang tubig tulad ng irigasyon, water supply at kuryente para sa pagpapabuti ng water management sa bansa.
Katuwang ng DPWH sa naturang master plan ang Asian Development Bank (ADB), Japan International Cooperation Agency at Export-Import Bank of Korea. | ulat ni Jollie Mar Acuyong