Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 7-Central Visayas ang sapat na relief supplies sakaling kailanganin ng local government units (LGUs) sa Negros Oriental ang dagdag na tulong kasunod ng pagtaas ng aktibidad ng Mt. Kanlaon.
Ayon kay DSWD Central Visayas Regional Director Shalaine Marie Lucero, mayroong nakahandang 6,800 kahon ng family food packs (FFPs), 255 kitchen kits, 224 family kits, 161 hygiene kits, 233 sleeping kits, camp management kit, women-friendly space kit, at child-friendly kit ang kanilang tanggapan na pawang nakaposisyon na sa Canlaon City.
Naglagay na rin aniya ang tanggapan ng 3,400 FFPs sa mga kalapit na munisipalidad sa Vallehermoso, Negros Oriental.
Gayundin, nag-request na rin ang DSWD FO-7 ng karagdagang non-food items mula sa National Resource Operations Center (NROC) na ipoposisyon naman sa Guihulngan City, Negros Oriental. | ulat ni Merry Ann Bastasa