Nakaalerto na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa oras na kailanganin nitong rumesponde sa mga residente sa Negros kasunod ng tumataas na namang aktibidad sa Bulkang Kanlaon.
Partikular na nakatutok na sa sitwasyon ng bulkan ang Field Office (FO) 7-Central Visayas na aktibo nang nakikipag-ugnayan sa Canlaon LGU para sa emergency response plan.
Ayon kay DSWD Central Visayas Regional Director Shalaine Lucero, nakahandang mai-deploy ang Quick Response Team ng kagawaran.
Maging ang DSWD sa Western Visayas ay naghahanda na rin sa oras na mag-alburoto ang Bulkang Kanlaon.
Katunayan, mayroon nang nakahandang 32,990 kahon ng Family Food Packs (FFPs) sa Bacolod City, habang 37,000 food packs ang nasa mga warehouses sa Negros Occidental.
Sa Canlaon City, nasa tinatayang 7,000 kahon din ng FFPs ang nakahanda na kasama ang non-food items gaya ng hygiene, family, sleeping kits, at modular tents.
Una nang iniulat ng PHIVOLCS ang mataas na bilang ng volcano-tectonic earthquakes sa bulkan na senyales ng posibleng pagputok nito.
“We are taking necessary steps to open our line of communication with concerned local government units. Our quick response teams are also ready for deployment. Because again, Secretary Gatchalian always tells us to prepare for the worst,” ani DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao. | ulat ni Merry Ann Bastasa