Sabayan nang isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tulong sa ibat ibang lugar sa bansa na naaapektuhan ng malalakas na pag ulan dulot ng bagyong Ferdie at Habagat.
Sa ulat ng DSWD Bicol Region, may 241 pamilya mula sa anim na barangay sa Jovellar, Albay ang sapilitang inilikas.
Mahigit P300,000 halaga ng relief aid at modular tents ang pinadala sa mga evacuee mula sa barangays Aurora, Mercado, Mabini, Bagacacy, Magsaysay, at White Deer.
Nagsagawa naman ng validation ang DSWD MIMAROPA sa mga evacuation centers sa San Jose, Occidental Mindoro para malaman ang kalagayan at pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.
Sa ulat ng DSWD sa Zamboanga Peninsula, may 117 stranded individuals na papunta sana ng Jolo, Sulu ang binigyan ng tulong ng ahensya.
Binigyan sila ng hot meals, hygiene kits, at cash assistance. | ulat ni Rey Ferrer