Personal na tinutukan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng assistance sa mga evacuee na nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa Antipolo City, Cainta, at San Pedro, Laguna.
Ayon sa kalihim, bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na matiyak na hindi napapabayaan ang mga apektado ng bagyo.
Personal ding pinangunahan ng kalihim ang pamamahagi ng 107 family food packs (FFPs), gayundin ang pagbigay ng ₱10,000 financial aid, sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), para sa mga pamilya ng nasawing pitong (7) katao dulot ng landslides at pagbaha matapos ang pananalasa ng bagyong Enteng sa Antipolo City.
Sa Cainta, Rizal naman, nagpamigay din ang DSWD Field Office-CALABARZON ng 198 boxes ng FFPs sa mga apektadong pamilya na nasa Kabisig Elementary School sa Barangay San Andres sa Cainta, Rizal.
Matapos ito, nagtungo din ang DSWD chief sa Laguna para kamustahin ang lagay ng mga evacuees sa Rosario Complex, sa bayan ng San Pedro.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa ₱16-million ang naipaabot nitong tulong sa mga LGU na apektado ng pananalasa ng bagyong Enteng. | ulat ni Merry Ann Bastasa